October 13, 2007

Ang Rally sa Commonwealth at ang Chickenjoy

Sa Pagpapatuloy,
Ala-sais ng umaga ng dumating si Miguel sa Commonwealth, kaunti lang ang tao kesa sa inaasahan ng mga pulis na nakabalandra sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Sinimulan ng ipamigay ang mga streamers at kung anu-ano pang mga paraphernalia na pang rally. May mga maliliit din na mga papel kung saan nakalagay ang mga dapat isigaw ng mga rallyista. Madami ring bata ang nagkalat, namimigay ng kung anu-anong papel, pampadami daw ng kalat, para mabigyan sila ng trabaho, kahit tigalinis lang ng mga kalat. Pantawid gutom din yun.
Laking pasalamat ni Miguel ng mapayapang naidaos ang kanilang rally, dahil sa ilang rally na nasalihan nya na, kung hindi binasa ng tubig eh bugbog sarado sila sa mga tarantadong pulis na walang alam gawin ay ang lumabag sa "human rights law" na dapat na sila ang nagpapatupad.
Hapon na ng nakarating sa bahay si Miguel. Dala ang 75 pesos at ang tatlong kilong bigas at ilang delata na galing sa kampo ni Erap. At nagsimula uli bumirada ang bibig na mala ArmaLite ng madrasta niyang si Ida.
"Ito lang? maghapon kang wala sa punyetang bahay na 'toh at wala ka ng dalang iba? Bigas at delata? Maghanap ka naman ng iba pang makakain? 14 tayo sa bahay na 'to. Walang hiyang buhay 'to oh." Pasigaw na salubong ni Ida kay Miguel.
Alas-otso ng gabi ng umalis siya ulit sa kanila bahay. Magsasara na kasi ang mga fastfood chains at madaming mga tirang pagkain sa basurahan pagkakaguluhan uli ng mga sikmurang butas. Kelangan maaga siya sa tambakan para makarami at para hindi maubusan. Swinerte naman siya ng makakuha ng 4 na balot ng Chickenjoy, buto na nga lang at may kaunting laman ngunit pwede pang lutuin at gawing adobo.
Madaling araw na at naghahanap pa rin ng makakain si Miguel, sumisigaw at nagmamaka-awa na ang kanyang sikmura na kanina pang walang laman. Tinitiis ang gutom para lang may mapakain sa pamilyang walang inatupag na makipagchsmisan sa kapitbahay, gumawa ng anak, sumigaw, at mag utos ng mag utos sa pobreng nilalang na si Miguel.
Limang taon ng ganito ang buhay ni Miguel. Sanay na siya sa mga dakdak ng kanyang madrasta. Sa mga sampal nito pag walang naiuuwing pagkain, at sa mga mura na natatangap nya dito araw araw.

No comments: